Skip to main content

Ika 15 Taong Anibersaryo ng Kanonikong pagkatatag ng Parokya ng Mahal na Puso


KASAYSAYAN NG PAGKAKATATAG NG PAROKYA
NG MAHAL NA PUSO NI HESUS
(Poras , Boac, Marinduque)


Bago pa sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig ay mayroon ng kapilya ang barangay ng Poras. Ito ay sa pamamagitan nina G. Primo Mercene, G. Juan Jabat at G. Doroteo Mambio. Ang kapilyang kanilang ginawa na yari lamang sa magagaang materyales na makikita sa kanilang lugar tulad ng pawid , kawayan at kahoy ay nakatayo sa lupa ni G. Mercene. At noong ika-24 ng Mayo 1939, ginanap ang unang misa para sa kanilang santo-patron, ang Mahal na Birhen ng Lourdes sa pangunguna ni Reb. Padre Jose Zoleta, kura paroko ng Inmaculada Conception sa bayan ng Boac.Nagpabago-bago ng lugar ang nasabing kapilya dahilan sa pagkasira ng bagyo. Binago rin ang petsa ng kapistahn ng kanilang patron. Dahal ang tunay na kapistahan ng Lourdes ay Pebrero 11, ginawa nilang Mayo 11 ang kanailng kapistahan na dati ay Mayo 24. Makalipas ang ilang panahon ay itinatag ang unaang Barangay Pastoral Council sa Poras noong Nobyembre 27, 1982. At sila ay nanumpa sa harap ni Reb. Padre Angelito Leal.
.Dahil sa patuloy na paglago ng mga mananamplatyang naninirahan sa kabilang ilog, nangarap silang magkaroon isang sentro ng pananampalataya. Sa tulong nina Reb. Padre Nicanor Ferangco at Reb. Padre Petro Recalde Jr. na noo’y mga seminaristang nag-aapostolado sa Br,gy. ng Poras ang mithiin ng mga tagrito na magkaroon ng parokya ay unti-unting nagpatuloy. Sa kanilang pagpupunyagi at sa pamamatnubay ni Padre Angelito Leal, nagkaisa hindi lamang ang mga taga Poras kundi ang buong kabilang ilog ng Boac na hilingin sa Obispo ng Boac, Lubhang Kgg. Rafael M. Lim na gawing isang parokya ang buong kabilang ilog at ang sentro ay ang Brgy. ng Poras. Ang nasabing kahilingan ay iniharap sa butihing Obispo Lim sa pamamagitan ng resolusyon na binuo ng mga kapitanes ng barangay: Kapitan Severino Mascarenas ng Bantad, Kapitan Ruben Mabiog ng Tanza, Kapitana Andrea Valentino ng Buliasnin, Kapitan Dionisio Lasic ng Maligaya, Kapitan Ernesto Lozano ng Balogo, Kapitan Jose Maas ng Pili, Kapitan Juanito Lamboloto ng Tabigue, Kapitan Ricardo Manggol ng Lupac, Kapitan Edmundo Malapote ng Poras at Kapitan Pedro Jandusay ng Tabi.
Dahil sa dumadaming maninimba, kinailangan ang isang malaking lote para simbahan. Sa pagsusumikap ni Kapitan Edmundo Malapote ng Poras, nagkaloob ng libreng lote sina Bb. Josefa at Coraron Montellano. At noong ika-29 ng Oktubre 1983 nagkaroon ng “corner stone laying” para sa itatayong bagong simbahan sa nasabing lote. Ang pagpapasimula ng pagtatayo ng bagong simbahan ay pinagtulungan ng mga kapitanes ng at mga taga-nayon ng kabilang ilog. Nagsimula lamang ang pagtatayo ng ilang haligi at biga upang maitatag ang simbahan. Natigil ang pagpapatayo ng simbahan sa kadahilanang: Una pagkaubos ng mga nalikom na pondong pangkonstraksyon mula sa mga barangay: pangalawa, ang palitan ng mga destino ng mga pari: pangatlo, pagkakaroon ng mga bagong palakaran sa Parokya ng Inmaculada Conception: pang-apat, naputol ang regular na linggong pagmimisa at panghuli, hinikayat ang bawat barangay na magtayo ng kani-kanilang kapilya. Dahil dito ang sinimulang simbahan sa Poras ay tuluyan na rin nalimot.
Upang maibalik ang sigla at buhayin ang nasimulang pangarap na magkaroon ng isang parokya, taong 1986 ay itinaguyod ng Barangay Pastoral Council ng Poras sa pangunguna ni Gng. Josefina Magcamit at Gng. Socorro Marquez at mga kasama ang pagpapatuloy ng pagtatayo ng simbahn. Isinaayos ang bubong kahit ang kalahating bahagi ng simbahan upang mapagmisahan. Unti-unting naragdagan ang gusali. Ang mga gamit at kahoy mula sa nilagas na lumang kapilya ay ginamit para sa bagong simbahan. At noong ika-11 ng Mayo ng taon din iyon sa pakikipagtulungan ng Hermanidad ay nagkaroon ng unang misa sa hindi pa natatapos na simbahan. Pinakiusapan nila si Reb. Padre Gonzalo Sargento na magdiwang ng Banal na Misa tuwing Linggo. Dahil dito muling nabuhay ang pag-asa na maipagpatuloy ang pagtatayo ng simbahan at ng parokya. Matapos pumanaw noong ika-3 ng Mayo 1990 ang butihing pari, Reb. Padre Gonzalo Sargento, ang panganagalaga sa simbahan ng Poras ay inihabilin kay Reb. Padre Semion Reginio at nang ang huli ay nagretiro, ang paggabay sa mga taga kabilang ilog ay ipinagkatiwala kay Reb. Padre Rene Labrador.
Taong 1993, nakipagpanayam ang Barangay Pastoral Council at Sangguniang Barangay ng Poras kay Obispo Rafel Lim upang alamin ang katatayuan ng kanilang minimithing pangarap na maging parokya at upang humingi rin ng payo. Agad na nagkaroon ng isang magkakasamang pagpupulong sa Simbahan ng Poras ang pangulo ng Barangay Pastoral Council ng Poras at mga kapitanes ng barangay sa kabilang ilog sa pamamatnubay ni Reb. Padre Rene Labrador na noon ay Lingkod-Pari ng Parokya ng Inmaculada Conception. Nagbuo sila ng Riverisde Core Group na agad sinangayunan ni Obispo Lim at ito ay binubuo ng mga kapitanes at pangulo ng Barangay Pastoral Council ng Buliasnin, Maligaya, Balogo, Pili, Tabigue, Lupac, Poras at Tabi. Ang nasabing samahan ay siyang tutugon sa pangangailangan ng inihahandang parokya ng Poras. Ang Barangay Bantad at Tanza ay humiling na manatili na lamang na sakop ng Parokaya ng Inmaculada Conception sa bayan ng Boac.
Dahil nananatili paring sakop ng Parokya ng Immaculada Conception ang mga barangay ng kabilang ilog, nagkasundo sina Reb. Padre Rene Labrador, Lingkod-Pari ng Parokya at ang Kansilyer ng Diyosesis na si Reb. Padre. Senen Milambiling na pamahalaan ni Padre Senen ang kabilang ilog. Ito ay agad na sinangayunan ng butihing Obispo Lim kumg kaya’t mula Hunyo 1994 ay pinamahalaan ni Padre Senen ang inihahandang parokya ng Poras. Iminulat niya ang kaisipan ng mga tao kung ano ang layunin ng pagtatatag ng parokya sa pamamgitan ng kanyang pakikipamuhay sa mga tao sa walong barangay. Pinaigting niya ang pananampalataya ng mga taga rito. Dahil dito liban sa Misa tuwing araw ng Linggo nagkaroon din ng Student Mass tuwing Miyerkules ng hapon.
Sa pamamatnubay na rin ng Panginoon, nagkaisa ang Riverside Core Group na magtayo ng simpleng kumbento para sa kanilang pari. Bagama’t hindi pa tapos ang simbahan, sumangayon si Obispo Rafael Lim na gawing isang ganap na parokya ang kabilang ilog at idinaan sa isang referendum ang pagpili ng patron para sa nasabing parokya na ginanap sa bawat barangay. Sa bisa ng isang Dekreto na ginawa ni Obispo Lim at nilagdaan noong Hunyo 23, 1995, ay pormal na dineklarang isang ganap na parokya ang kabilang ilog sa pangangalaga ng Mahal na Puso ni Hesus na siyang patron nito. Ang Parokay ng Mahal na Puso ni Hesus ay binubuo ng barangay Buliasnin, Maligaya, Balogo, Pili, Tabigue, Lupac, Tabi at ng Poras na siyang pinaka sentro nito. At si Reb. Padre Senen M. Milambiling ang kauna-unahang itinalagang lingkod-pari ng Parokyang ito.
Matapos ang panunungkulan ni Padre Senen noong 2002, ang pangangalaga sa Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus ay ibinigay kay Reb. Mons. Ramon Magdurulang. Sa loob ng isang taong panunungkulan ay kanyang isinaayos ang istraktura ng simbahan at ng kumbento. At noong 2003 siya ay pinalitan ni Reb. Padre Peter Recalde Jr. Pinagpatuloy niya ang pagpapalago ng pananampalataya ng mga tao at pagsasaayos ng simbahnan. Noong Hunyo 11, 2008 ay itinalagang ika apat na lingkod-pari ng Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus si Reb. Padre Ian Retardo. Binuhay niya at pinasigla ang kooperasyon ng mga tao sa parokya at pinagpatuloy din niya ang pagsasaayos ng simbahan at kumbeto.
Makalipas ang labing apat na taon, ang Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus ay patuloy sa paglago hindi lamang sa pisikal na aspeto maging sa espiritwal din. Malayo-layo na ang nararating ng parokya ng Poras. Patuloy itong yayabong alinsunod sa Pananaw ng Diyosesis ng Boac, Ang Simbahan ng mga Dukha na pinaghaharian ng pag-ibig katarungan at kapayapaan. At sa taong ito, kaaalinsabay ng pagdiriwang ng Taon ng Mahal na Puso ni Hesus at Kalinis-linisang puso ni Maria, ay ipinagdiriwang din ng buong sambayanan ng Parokya ng Mahal na Puso ni Hesus ang ika labing limang anibersayo ng kanonikong pagkakatatag nito.

Comments

Popular posts from this blog

Sacred Heart Parish Diocese of Boac

15th anniversary SACRED HEART PARISH DIOCESE OF BOAC shots by: kevin mansia

Marinduque State College Extension Manual Lay-out by Kevin Mansia

Extension Manual By: Kevin Mansia